Photo by: Justyn Shawn
Sa may bahay ang aming bati, Merry
Christmas na ma-l’walhati
Ang pag-ibig pag s’yang naghari
Araw-araw ay magiging pasko lagi…
Ito ang kantang maririnig mo sa bawat bibig ng
mga bata habang tangan ang mga niyuping tansan na ginawang tamburin at basyong
lata na nagsilbing tambol sa kanilang pangangaroling. Masaya ang pakiramdam sa tuwing sasapit ang
kapaskuhan. Madarama mo ang malamig ang
simoy ng hangin, ang mga bahay ay napapalamutian ng mga nagagandahang
dekorasyon na sinasaliwan pa ng mga kumukutikutitap na Christmas lights na
animo’y tala sa kalangitan. May kaya man
o ordinaryong pamilya ay pinaghahandaan ang pagdating ng pasko. Ang lahat ay nagiging abala sa pagbabalot ng
kani-kanilang mga regalo para sa kamag-anak, kaibigan, at mga inaanak. Ang iba ay nagkakaroon pa ng family reunion. Dahil sa haba na rin ng panahon na walang
pasok kaya ginagawa nila ang pagsasama-samang magkakapamilya. At para sa mga
nakaka-angat talaga sa buhay ipinagdiriwang nila ang pasko sa ibang bansa, lalo
na sa bangsang may snow. Siguro gusto
nilang makaranas ng tinatawag na WHITE CHRISTMAS.
Last week bago ang Christmas vacation,
nag-announce ang club adviser namin na magkakaroon kami ng outreach program sa
isang orphanage sa manila. Ito ang
taun-taong ginagawa ng school organization na sinalihan ko. Advocacy na nila ang magbigay ng saya sa mga
abandonadong bata tuwing sasapit ang kapaskuhan. Bago pa man matapos ang meeting ay nagtakda
na ang members at officials na magset ng date upang maiayos ang lahat ng
regalong dadalhin at ipapamigay sa mga batang iniwan sa ampunan.
Ang sarap sa pakiramdam ng makakatulong ka sa
mga taong nangangailangan. Lalo na sa
panahon ng kapaskuhan. Dahil pakiramdam
ko naging mas makabuluhan ako para sa ibang tao. Sa mga taong walang pamilyang matatawag. Kaya, kahit isang araw lang ay maipadama
namin sa kanila na may mga taong nagmamalasakit pa rin sa kanila. Kahit isang araw lang.
Araw ng outreach program.
“Ok guys, ready na ba ang lahat? Naisakay na ba
sa van ang mga gifts at ang mga pagkain na lulutuin mamaya?,” tanong ng
coordinator habang tinignan isa-isa ang nasa likod ng sasakyan.
“Yes sir! Everything’s packed.” Halos
sabay-sabay na sagot ng mga miyembro.
Habang nasa daan, hindi maalis sa akin ang mag-isip
kung ano ang mangyayari pagdating namin sa bahay-ampunan. Iniisip ko rin kung paanong mapapasaya ang
mga bata. First time ko kasing sumama sa
outreach program at hindi ko alam kung magugustuhan nila ako.
Hindi naman malayo ang byahe at isa pa abala
ako sa mga iniisip kong paraan para makipaghalo-bilo sa mga bata kaya hindi ko
napansin narating na namin ang bahay-ampunan.
“Wait guys, punta muna ako sa Directress ng
orphanage before i-unload ang mga dala natin,” paalam ng coordinator namin.
Ilang minuto lang ang tinagal nito at maya-maya
at bumalik na rin upang sabihing pwede ng pumasok sa loob. Tulung-tulong naming inilabas ang lahat ng
regalo at mga pagkain na aming dala para sa mga bata.
Pagpasok na pagpasok namin ay makikita at
madadama mo sa mga bata ang saya. Lalo
pa ng makita nila ang mga dala naming regalo. Makikita mo sa mga mata ang kislap
ng pag-asa, na kahit isang araw lang ay magkakaroon sila ng mga matatawag
nilang kuya at ate. Kahit ako ay dama
ko ang kakaibang saya at pananabik na makipaglaro sa kanila, dahil sa totoo
lang nag-iisang anak lang ako, kaya naman masaya akong nakakakita ng mga bata
lalo pa kung nakakalaro ko sila.
Ang lahat ay nakaayos na, ang mga regalo ay
nailagay na rin malapit sa Christmas tree na nakatayo sa loob ng ampunan. Dinala na namin sa kusina ang mga putahe at
sangkap na gagamitin namin sa pagluluto.
Dahil ngayong araw na ito kami ang magsisilbi sa mga bata. Kami ang magpapakain, magpapaligo,
makikipaglaro, at kami ang magpapatulog.
Gawain ng isang nakatatandang kapatid kapag wala ang mga magulang dahil
pumapasok sa trabaho o kaya naman ay may importanteng ginagawa.
Habang ang iba ay nasa kusina at nagluluto
meron namang nag-umpisa ng makipaglaro sa mga bata. Ginawa na nila ang mga bagay na napagkasunduan noong nagdaang meeting. Hindi ko mawari kung bakit hindi ko agad makuhang lumapit sa mga bata kaya naglakad-lakad ako sa pasilyo ng ampunan. Hindi ko alam kung paano kong sisimulan ang makipaglaro sa kanila ng
mahagip ng aking paningin ang isang bata na nakaupo sa isang lumang bench sa
may hardin na hindi nakikipaghalu-bilo sa mga kapwa nyang ulila. Tila malalim ang iniisip.
“Hi, anong ginagawa mo dito bakit hindi ka
nakikipaglaro sa kanila?” mahinahon kong tanong sa batang nakaupo. Ngunit nanatili lamang s’yang tahimik. Tinignan lang ako nito ng walang
reaksyon. “Ako nga pala si kuya
Anthony. Ikaw anong pangalan mo?” Nanatili ang kanyang katahimikan at hindi kumikibo. Tantiya ko ay mga anim na taon na
ang batang pilit kong kinakausap. Sa
totoo lang ang gaan ng pakiramdam ko sa batang ito kahit pa hindi niya ako sinagot
sa mga tanong ko. Mayroong kung anong
koneksyon sa aming dalawa. Sa dinami-dami ng batang pwede kong makalaro at
makausap ay pinili ko s’yang pagtyagaang makasama dahil may kakaiba talaga sa kanya at hindi ko siya
kayang iwang nagmumukmok at nag-iisa.
Lalo ‘nung nagtama ang mga mata namin.
Bakas mo dito ang lungkot ng pag-iisa, pangungulila, at paga-asam na sana
isang araw may mabuting pamilya ang kumupkop sa kanya. Na sana, balang-araw ay magkaroon din s’ya ng
pamilyang mag-aaruga sa kanya. Kaya
naman naisipan ko na lang magkwento sa batang kasama ko baka sakaling makuha ko
ang kanyang atensyon.
“Ganito na lang, kukwentuhan na lang kita. Gusto mo ba ‘yon?” Ang nakangiti kong tanong sa kanya ngunit
nanatili lang itong nakatitig sa akin. Agad
akong umupo sa kanyang tabi at sinimulan ang pakukwento. “Alam mo ba noong maliit pa lang ako… t’wing
magpapasko excited ako, kasi makakatanggap na naman ako ng gift galing kay
Santa. Kilala mo ba si Santa?” ang
excited kong tanong sa kanya ngunit wala pa rin akong nakuhang tugon. Itinuloy ko na lang ang pagsasalaysay. “Si Santa, lalaking malaki ang t’yan na
nakasuot ng pulang damit na may mahabang balbas... Merong s’yang listahan ng mga batang naging
mabait sa loob ng isang taon. Tapos, binibigyan n’ya ng regalo ang mga batang mababait
at masunurin sa mga nanay at tatay nila.
Ikaw ba mabait kang bata?”
tinignan ko s’yang muli at nginitian.
Ngunit nanatili lang ang kanyang katahimikan. Patuloy pa rin ako sa pagkukwento. “Alam mo bang walang pasko na hindi ako
nakatanggap ng regalo mula sa kay Santa? Simula noong bata pa ako hanggang ngayon na
malaki na ako nakakatanggap pa rin ako ng gifts galing sa kanya. Kasi naging mabait akong bata at kahit ngayon
na malaki na ako, sinusunod ko pa rin ang nanay at tatay ko. Mahal na mahal ko sila. Kaya kahit ano ang hilingin ko kay Santa
binibigay n’ya sa akin.” Hindi ko alam kung
bakit may bumalik sa aking ala-ala ng mga sandaling iyon.
Pamilyar ang lugar kung saan ako nakaupo kasama
ang bata, pati ang mukha ng batang kausap ko. Pinakatitigan kong mabuti. Hindi ako maaaring magkakamali. Ang batang kausap ko ay ang sarili ko noong bata pa ako at
ang lugar na sinasabi ko ay ang lugar kung saan ako madalas mag-isa tuwing
sasapit ang kapaskuhan. Sa isang lumang
bench sa may hardin ng ampunan. Doon magmumukmok
ako at walang sawang hihiling na sana magkaroon na ako ng pamilya, ng magulang
na magmamahal at mag-aaruga sa akin. Oo,
isa rin akong batang iniwan na lang sa bahay-ampunan na pinalad magkaroon ng
mabubuting magulang na s’yang kumupkop at nagpalaki sa akin. Mga magulang na kahit hindi nila ako tunay na
anak ay binigyan nila ako ng sapat na atensyon at nag-uumapaw na pagmamahal. Kahit minsan hindi ko naramdaman na iba ako
sa kanila. Hindi ko maitago sa aking
sarili ang lubos na pagpapasalamat na dininig ang aking hiling, na magkaroon
ako ng matatawag kong sariling pamilya.
Tumulo ang butil ng luha sa aking mga mata habang inaalala ko ang
tagpong nagpabago sa aking buhay.
“S’ya ba ang batang aampunin natin mommy?” ang
tanong ng lalaki sa kanyang may-bahay.
“Oo daddy, diba ang cute n’ya? Parang isang anghel ang mukha n’ya,” sabay
pisil sa aking pisngi habang nakatitig lang ako sa kanilang mag-asawa na walang
pakialam sa nangyayari sa aking paligid.
Ipinantay ng mag-asawa ang kanilang mukha sa akin upang pakatitigan
akong mabuti. Habang hinahaplos ng
lalaki ang ulo ko, “Hijo, mula sa araw
na ito hindi ka na magiging ulila.
Nandito na kami ng mommy mo. Ikaw
ang magiging anak namin at kami ang magiging magulang mo. We’re going to be one big happy family,” sabay yakap sa akin ng mag-asawa.
Muli kong tinitigan ang batang kausap ko kanina.
“Alam mo bang masaya ako sa kinahinatnan ng
buhay mo, kahit pa ampon ka lang, minahal at pinahalagahan mo ang mga taong tumanggap
sayo ng buong-buo. Isinaisang-tabi mo
ang katotoohang hindi kayo tunay na magkadugo, mas pinili mo ang paniniwalang
sila ang tinakda ng Panginoon para maging magulang mo. Ang pagkakaroon ng
matatawag na pamilya ang pinakamagandang regalong natanggap mo sa buong buhay
mo. Alam mo rin kung paanong magbalik ng
kaligayahan para sa mga katulad mong ulila.
Ikaw sinuwerte ka, paano naman ang mga batang naiwan dito sa
bahay-ampunan? Sana magkaroon din sila
ng mga magulang katulad ng mga magulang ko.
Mapagmahal at mapagkalinga. At
sana katulad mo, pahalagahan nila ang mga taong kukupkop sa kanila at magbibigay
ng bago nilang pagkatao,” ang naging
realisasyon ko habang unti-unting naglalaho ang batang kanina lang ay
kinakausap ko. Hilam sa mga matang pinahid
ko ang aking luhang dumaloy dito. Tumayo ako upang bumalik sa loob para tumulong.
“Kuya! Kuya!
Laro naman tayo.” Pagtawag sa akin ng isang bata habang tangan-tangan
ang isang bola.
“Halika nga dito. Lapit ka kay kuya.” sabay ngiti at lahad ng dalawang kamay na
tila nagsasabing handa akong pasayahin s’ya kahit isang araw lang. Kahit isang araw lang maiparamdam ko sa kanya
kung paano magkaroon ng kapatid. Bakas sa mukha ng bata ang saya kaya naman agad itong tumakbo palapit sa akin at yumakap gamit ang isang bisig habang ang isang kamay ay tangan-tangan pa rin ang bola.
Para sa mga bata sa ampunan wala na silang iba
pang mahihiling kundi ang magkaroon ng pamilyang kukupkop at mag-aaruga sa
kanila. Isang pamilya na kukumpleto sa pagkatao nila. Pamilya na tatanggap sa kanila at higit sa lahat, isang pamilyang mabibigay ng tunay na pagmamahal.
Ikaw ano ang iyong HILING?
W A K A S
No comments:
Post a Comment