Blogger Widgets Blogger Widgets

Wednesday, December 26, 2012

Anino Ng Kahapon 20



Photo by: Justyn Shawn



Kahit late na babati pa rin ako sa inyo ng isang Maligayang Pasko!


Gusto ko  pong kamustahin ang lahat ng sumusubaybay ng Anino Ng Kahapon.  Maraming salamat po sa patuloy na pagsubaybay sa kwentong aking isinulat, nawa po ay nagustuhan ninyo.  Gusto ko rin pong humingi ng paumanhin sa late posting ko medyo nahirapan po kasi akong hanapin si kumpareng imagination at isa pa po dumaan po ang Christmas Day kaya lalong natagalan ang aking pagsusulat.  Sana po ay naintindihan ninyo.


Pangalawa nagpapasalamat po ako sa taong mahalaga sa akin dahil sya po ang gumawa ng cover photo ng kwento at nagbigay ng some ideas sa chapter na to.  Maraming salamat Justyn Shawn. My one and only Labs. Less Than Three.



Hindi ko na po patatagalin pa, pero bago ang lahat ay magpapasalamat ako sa lahat ng nagcomment namely: raymond, ramy from qatar, riley delima, artsteve, zenki of kuwait, kiero143, Lee, Mac, Lexin, robert_mendoza@yahoo.com, rascal, ALDRIN, Acnologia, Marshy, Pink 5ive, Roan, diumar, akosichristian, caranchou, Pop Star ng Korea, RGEE, rascal, Khate Williams Serjado, Jhonny Quest, sa asawa na first time na nagcomment at bumasa sa gawa ko Justyn Shawn at syempre sa mga anonymous silent readers.


Sa lahat ng gustong makipagkulitan sa akin you can follow/add me on the following social networks by simply clicking any of the links below:




_____


Disclaimer:


This story is based on true to life experience, names of the characters and some scenarios are intended to be changed to protect their privacy.


Comments and any kind of reactions are welcome. 


You have the freedom to express your feelings.


Read at your own risk!


Enjoy reading!



“Hello Christian…”


“Ron si Kuya Fred ‘to yung kasama ni Christian dati sa bahay,” ang bungad ng lalaki sa kabilang linya.


“O Kuya, kayo na po ba gumagamit ng number ni Christian?” takang tanong ko.


“Hindi s’ya pa rin may-ari ng number na ‘to.  Napatawag lang ako kasi wala naman akong number mo.  Ano kasi Ron…” kalmanteng pagkakasabi ni kuya ngunit dama mo na may bahid ng kaba ang kanyang boses.


“Kuya ano pong problema?  May nangyari po ba kay Christian?” nangingilid na ang mga luha ko ng oras na iyon.


“Kung pwede sana Ron pumunta ka dito sa bahay.  Sa dating bahay ni Christian.  Dito na lang natin pag-usapan.”


Wala akong inaksayang oras ng matapos maibaba ang tawag.  Agad akong naayos ng sarili at ng mga gamit na dadalhin ko.


“O, saan ka pupunta at parang nagmamadali ka d’yan?,”  puna ni Enso sa akin habang nakatingin sa mga gamit na inilalagay ko sa loob ng bag.


“Pupunta ako ng Dubai.  May importante akong bagay na gagawin.  Ikaw na muna ang bahala dito sa bahay.  Babalik din agad ako bukas.” ang nagmamadali kong bilin kay Enzo.


Habang binabaktas ng sinakyan kong bus ang daan papuntang Dubai hindi maalis sa isip ko ang mag-alala kung ano ang nangyari kay Christian.  Sa tono ng pananalita ni Kuya Fred alam kong may hindi magandang nangyari.  “Sana walang nangyaring masama sa kanya.” bulong ng isip ko.  Pinipilit ko ang sarili kong ipikit ang mga mata at matulog na sa byahe upang hindi ako mag-isip ng kung anu-ano.  Pinakalma ko ang sarili ko.  Ngunit paminsan-minsan ay nakakatakas pa rin ang pag-aalala ko.  “Sa loob ng halos dalawang buwan na hindi ko s’ya nakita ganito pa ang way na magkita kami.  Huwag naman sana,” biglang pumasok sa isipan ko ng bigla akong nagising mula sa pagkaka-idlip.


Ilang minuto pa at narating ko na ang bus station.  Kaba, ito ang unang-unang emsyon na bumalot sa akin.  Hindi maiwaksi ng isipan ko kung ano ba talaga ang nangyari kay Christian at ganoon na lang ang tono ni Kuya Fred, punung-puno ng pag-aalala.  Wala na akong inaksayang panahon agad akong pumara ng taxi na masasakyan papunta sa dating tinirahan ni Christian.  “Pwede bang paliparin mo ang taxi!,”  utos ng isip ko habang lulan ng sasakyan patungo sa bahay nila Kuya Fred.  Habang papalapit lalong lumalakas ang kaba ko sa kadahilanang hindi ko alam ang maaabutan ko.  “Sana maayos kitang madatnan Christian.”  Bulong ko sa sarili habang hindi ko namamalayan ang pagpatak ng mga luha sa aking mata.


Tulala ako habang nasa harapan ng pintuan at naghihintay ng taong magbubukas ng pinto para sa akin.  Hindi pa man nalalaman ang totoong balita ay walang patid na ang aking pagluha.   Agad kong pinahid ang luha ko ng marinig ko ang mumunting galaw sa likod ng pintuan.


“Ron buti dumating ka na.  Halika pasok ka,” bungad ni Kuya Fred habang hihintay akong makapasok ng bahay.


“Kuya ano po ba talaga ang nangyari at pinapunta n’yo ako dito?”   halos pumatak muli ang mga luhang nakasungaw sa aking mga mata.


“Sandali lang at hawakan mo muna itong telepono n’ya at magbibihis lang ako para makapunta na tayo sa kanya.”  Pagkatapos maiabot sa akin ang telepono ay pumasok na si Kuya at upang makapagpalit ng damit.


Habang hinihintay ko si Kuya Fred ay pinakatitigan ko ang telepono ni Christian at tinignan ang message box.  Halos lahat ng message na nakita ko ay ang mga messages ko simula pa ng maging kami,  kahit ang mga simpleng mensahe na “I love you Budz!” at “Kumain ka na po ba?, ”ay naka-save sa phone nya.  Tuluyang hinilam ako ng mga luhang patuloy ang pag-agos mula sa aking mga mata.


“Mahal mo pa rin s’ya no?”  Hindi ko namalayang nasa harap ko na pala si Kuya Fred dahil abala ako sa pagtitig sa telepono ni Christian.  Agad kong pinahid ang mata ko.


“Kuya, sobrang mahal ko po s’ya.  Malaki na po ang parte n’ya sa buhay ko.  Mahal ko sya hindi lang bilang partner ko.  Minahal ko s’ya bilang kaibigan at kapatid na rin.  And I don’t know what will happen to me if in case I lose him,” pagpapaliwanag ko habang umiiyak.  Nakakahiya na makita ako ng ibang tao na umiiyak pero anong pakialam ko ito ang nararamdaman ko at hindi ko kailangang itago at magpretend na ayos lang ako samantalang ang kalooban ko ay lumuluha.


“Halika na.  Puntahan na natin s’ya.  For sure matutuwa yun na makita kang muli,” pag-aaya ni Kuya sa akin.  “Pero bago ang lahat.  Maghilamos ka muna at ayusin mo ang sarili mo.  Haharap ka ba sa kanya na galing ka sa pag-iyak?”  Sabay bigay ng ngiti ni Kuya na ikinatawa ko dahil tama nga naman s’ya alangan namang lumabas ako ng bahay na mukha akong kinawawa.  


Kinakabahan ako sa muli naming pagtatagpo.  Hindi ko alam kung ano ang mangyayari.  Hindi ko alam kung ano ang nangyari.  Naging sunud-sunuran na lang ako kay Kuya Fred kung saan kami pupunta.


“Nandito na tayo,” pagpukaw ni Kuya ng atensyon ko.  Pero sandali, tama ba ang nakikita ko?  Hotel?  Bakit nandito kami? Ano bang meron? May dadaanan ba si Kuya at dito kami huminto?  Nasaan na si Christian? Ang daming tanong ang tumatakbo sa isip ko.


“Kuya, bakit nandito tayo?,”  takang tanong ko.


“Nagutom kasi ako.  Kain muna tayo sa loob.”  Knowing Kuya Fred alam kong mahilig s’yang kumain sa mga restaurant sa hotel pero sana naman hindi ngayon diba.  Gusto ko ng makita si Christian tapos kakain pala muna kami sa hotel e ‘di sana sa bahay na lang s’ya kumain dahil alam naman n’yang nagmamadali ako na makausap si Christian.


“Kuya, ano ba talaga ang nangyari kay Chrisitian?”  Ito na lang ang naitanong ko sa kanya habang papasok ng restaurant habang isang sulyap lang ang nakuha ko bilang tugon sa tanong ko.


Hindi masyadong matao ang lugar.  At imbis na umupo na lang sa regular seat ay dinala kami ng waiter sa isang family area kung saan medyo may privacy.  Naguguluhan ako sa nangyayari.  Gusto ko ng tanungin kung saan ko ba pwedeng puntahan si Christian at mauna na lang ako doon at pasunurin ko na lang s’ya kaya lang nahihiya ako.  Sumunod na lang ako at umupo sa lugar na pinagdalhan ng waiter sa amin.  Agad na ibinigay ng waiter ang menu upang maka-order na kami.  Tinitigan ko lang ang menu at walang kibo.  Samantalang si Kuya ay parang kalmante lang na nagbigay ng kanyang order pero parang pang-maramihan yata ang binigay nito sa waiter.


“Kuya ang dami mo namang inorder.  Dalawa lang naman tayo at hindi ako masyadong makakakain.” Pagsaway ko sa kanya habang nagbibigay ng order.


“Okay lang yun, yung iba kasi ipapabalot ko para may madala tayo kay Christian.”  Sabay balik muli sa waiter.  “How many minutes it would take for our order to be served?,” tanong nito sa waiter na sinagot  na mga bente-minutos pa ang paghihintay. 


Sa totoo lang, hindi ako mapakali.  Gusto ko ng lumabas at hanapin na lang si Christian.  Naisip kong nasa akin pala ang telepono ni Christian kaya naman inilabas ko ito upang tignan ang phonebook nito upang makakuha ng contact na pwedeng makausap.  Napansin ni Kuya Fred ang ginagawa ko.


“Ron, pwede bang hawakan ko na ulit ang phone ni Christian?,” tanong nito sa akin habang nakalahad ang kamay upang kunin ang telepono sa akin..


Wala akong nagawa kundi iabot sa kanya ang telepono.  Ano ba ang nangyayari?  May hindi ba ako alam?  Naguguluhan na ako?  Sino ba ang pwedeng magpaliwanag sa akin? 


Ilang minuto kaming walang imikan ni Kuya.  Balisa ako sa pag-iisip samantalang si Kuya ay busy naman sa pagkalikot ng telepono n’ya.  Hindi na maipinta ang mukha ko sa inis.  Unang-una hindi ko alam ang nangyayari kay Kuya, tumawag s’ya sa akin about kay Christian tapos ngayon nakuha pa n’yang kumain sa hotel at makipag-text.  Pangalawa, gusto kong malaman ang nangyari kay Christian pero ano ang isinagot nya sa akin?, tingin lang at wala ng sinabi.  Pangatlo, kanina pa akong kinakabahan dahil nung nakausap ko sya sa telepono kabado ang boses nya na parang may nangyaring masama kay Christian tapos heto kami ngayon pa-petiks-petiks lang.


Ilang minuto pa ang nakalipas ay dumating ang waiter at sinabing malapit ng maserve ang pagkain namin.


“Ron, sandali lang punta lang ako sa CR,” pagpapaalam nito sa akin tumango lang ako at nagbigay ng pilit na ngiti bilang tanda ng pagpayag.


“Ano ba naman tong si Kuya ang daming commercial?,” bulong ko sa sarili sabay buntong-hininga.


Habang hinihintay ko si Kuya ay nakinig na lang ako ng music para di naman matuluyan ang topak ko.  In short, pinakalma ko na lang ang sarili ko.  Kilala ko ang sarili ko, madali akong mainis sa mga bagay na hindi ko alam kung ano ang nangyayari lalo pa’t alam kong may alam ang kasama ko sa mga nangyayari.


Ilang minuto na ang nakakalipas ngunit hindi pa rin nakakabalik si Kuya Fred.  Lalo akong nainis dahil nagawa n’ya pa akong iwanang mag-isa na alam n’yang padating na ang order namin.  Kapag minamalas ka nga naman talaga.  Wala akong number ni Kuya Fred kaya hindi ko s’ya matawagan buti na lang naalala ko na hawak n’ya pala ang phone ni Christian kaya agad ko itong tinawagan.  Sa pagkakaalala ko hindi pa dead 
battery ang phone ni Christian pero nang tawagan ko ito out of coverage na.  Kinabahan ako.  Hindi naman ako makatayo dahil may order kami at baka isipin nila na tatakbo ako.  Wala akong ibang magawa kundi hintayin na lang ang pagbalik ni Kuya Fred.


“Excuse me Sir, someone wants to give this to you,” sabi ng waiter habang ibinibigay sa akin ang isang long stemmed red rose.


Pag-alis ng waiter ay nakita ko mula sa di kalayuan si Christian nakangiti may dalang puting teddy bear at tatlong puting lobo.  Halos lumukso ang puso ko ng makita kong nasa maayos na kalagayan s’ya at hindi katulad ng unang pumasok sa isip ko na may nangyaring masama sa kanya.  Nakatulala lang ako sa kanya habang papalapit sya sa akin hindi ko na nagawa pang tumayo hanggang makarating sya sa harapan ko.  Tanging patak lang ng luha ang galaw na aking nagawa.


“Namiss kita Ron, sobrang miss!,” ang wika ni Christian habang nakayuko at pinakatitigan n’ya akong mabuti.  Lalong hindi naman ako makagalaw sa aking kinauupuan.  Inilagay nya ang dala nyang teddy bear sa katapat kong upuan.  Matapos mailagay ang dala ay kinuha ang kamay ko at inalalayan akong makatayo habang hindi natatanggal sa pagkakatitig sa aking mga mata.  Alam kong tumutulo ang mga luha ko ng mga sandaling iyon dahil ito na, kaharap ko na ngayon ang taong pinakamamahal ko.  Ang taong nagpadama sa akin ng pagmamahal at kung gaano akong kaimportante sa buhay n’ya.  Pinahid n’ya ang mga luha sa aking mga mata habang patuloy pa rin ang mga titig n’ya sa akin.  “Sabi ko sa ‘yo diba ayaw ko na nakikita kitang umiiyak.”  Matapos pahirin ang luha ko ay agad niya akong niyakap.  Yakap na punung-puno ng pananabik at pagmamahal.  “I miss you so much Ron.”  Pagbulong niya sa akin.   Kumalas ito sa pagkakayakap at muli akong tinitigan sa aking mga mata.  Kahit alam kong patuloy ang pagtulo ng mga luha ay hindi ko na ito inintindi.  Ang mahalaga sa akin ay si Christian, magkakasama na kaming muli.


“Pinag-alala mo pa ako.”  Tampu-tampuhan kong sabi sa kanya habang patuloy ang padaloy ng tubig sa aking mga mata.


Pinahid n’yang muli ang basa ko ng pisngi.  “Sabi ng ‘wag ng umiyak eh,” pagsuway nito sa aking pag-iyak ngunit may ngiti sa mga labi.


“Hindi ko mapigilang hindi maiyak eh.  Ikaw kaya ang pag-alalahanin ng sobra-sobra.  Tapos ngingiti-ngiti ka pa riyan.”  Sabay tingin sa kanya ng tila nagpapaawa.


“Pasensya ka na po.  Gusto ko kasi kakaiba yung pagkikita natin ulit.”


“Kaya halos patayin mo na ko sa nerbyos?  Kung alam mo lang kung gaano akong nag-alala sa ‘yo…”  hindi pa man ako tapos sa sinasabi ko ay inilapat n’ya ang kanyang hintuturo sa aking mga labi upang patigilin ako sa aking pagsasalita.


“Shhhhh… Ang importante ngayon nandito ka kaharap ako at ayos ako.  Walang nangyaring masama sa akin.  Gusto ko lang maging espesyal ang pagkikita nating muli.”  Muli n’ya akong niyakap ng pagkahigpit-higpit.  Sobrang kinasabikan ko ang araw na ito.  Sobrang nasabik ako sa kanya.  Sa tagal ng hindi namin pagsasama ngayon ko lang ulit naranasan ang mayakap n’yang muli.  Sa wakas, ito na ang bagong simula ng bagong samahan naming dalawa.


“Tara na kain na tayo nagugutom na ako.”  Sabay bigay ng napakatamis na ngiti.  Tila nahipnotismo ako at sumunod na lang sa kanyang sinabi.  Pinaupo muna niya ako at saka s’ya tumungo sa kaharap na upuan.  Sinenyasan nya rin ang waiter upang ipaalam na pwede ng i-serve ang pagkain. 


Habang hinahanda ang pagkain ay hindi pa rin napuputol ang pagtitig ni Christian sa akin habang nakaukit ang napakagandang ngiti sa kanyang mga labi.  Matapos mailapag ang lahat ng pagkain sa aming mesa ay agad na hinawakan ni Christian ang aking kamay.  “Ang tagal kong naghintay sa pagkakataong ito.  Ang tagal kong inasam na makasama kang muli.  Ang tagal kong hinintay na mayakap ka.  Sobrang sakit ang naramdaman ko ng wala ka sa piling ko at lalo kong napatunayan kung gaano kita kamahal at sana hindi na tayo bibitiw.”  Kasabay ng marahang pagpisil sa aking kamay na may banayad na paghaplos.  Para akong nakuryente sa kanyang ginawa dahil sa kilig na dulot ng paglalapat ng aming mga kamay may kung anong saya ang aking nadama.  Sayang matagal ng naitago sa aking kaloob-looban.  Ang tagal kong hindi naranasang mahawakan ang kamay ko ng taong minamahal ko kaya ganon na lang ang naging reaksyon ko ng ilapat nya ang kanyang palad sa aking kamay.  Muling nagliyab ang ningas ng pagmamahal ko para sa kanya.  Nag-alab ng muli ang damdaming muntik ng matulog.


“Alam mo bang nung isang araw ko pa balak tumawag sa ‘yo?”


“Anong nangyari bakit ‘di mo ako natawagan?  Nag-iisip ka pa ba kung babalikan mo ko?”  Biglang gumuhit ang lungkot sa kanyang mukha na aking ikinangiti.  “Tignan mo ‘to tinatanong ko nginitian lang ako.”  Lalong nagpa-awa ang itsura n’ya na lalong napatawa sa akin.


“Kasi naman po dumating po yung kasamahan ko dati sa work.  Workmate ko sa Pinas.  Nagpatulong sa akin na maghanap ng bahay.  Ayun, I offer him to stay with me.”  Kaswal kong tugon habang patuloy pa rin ang pagpapa-awa look ni Christian.


“Babae o lalaki yan?”  si Christian.


“Lalaki…,” hindi pa man ako tapos ay sumabat s’ya agad.


“Baka may nangyari na sa inyo ha?  Malilintikan s’ya sa akin!”  Bigla akong napahalpak ng tawa sa kanyang sinabi.


“Ano ka ba?  Wala no!  at isa pa ipagpapalit ba kita sa kanya?  Ikaw ang mahal ko at wala ng iba pa.  Kumain na nga lang tayo.”  Sabay pa-cute ko.


Naging masaya ang dinner date naming ni Christian.  Naayos na rin naming ang nalamatan naming samahan.  Alam kong medyo matagal pa ang proseso para mabuo ng tuluyan ang aming samahan katulad ng dati na buo ang tiwala.  Makakaya naming dalawa ang pagbuo nito dahil alam kong magtutulungan kami.  Pupunan naming ang mga sandaling wala kami para sa isa’t-isa.  Susulitin namin ang mga araw na magkasama kami.


“Budz, sandali lang tawagan ko lang si Enzo kamustahin ko lang kung ano na ang nangyari sa bahay.”  Pagpapaalam ko kay Christian at agad tumango tanda ng pagsang-ayon.  Hindi sumasagot si Enzo, naka-ilang ulit na akong tumatawag pero wala pa ring sagot. Kaya naman minabuti ko ng tawagan si Jane.  Hindi pa nagtatagal ang pag-ring ng telepono nito ay agad naman n’yang sinagot.


“Hello Jane, nand’yan ba si Enzo kanina ko pa kasi s’yang tinatawagan kaya lang he’s not picking up my call.”  Ang medyo inis kong tanong dahil hindi nga nasagot ni Enzo ang tawag ko.


“Ano kasi Ron… Si Enzo…”






Itutuloy…


1 comment:

  1. ang cheesy ng pagkikita nila! kakakilig yet kakainggit! nyahahaha!:)

    peo anyare kay enzo?
    nagbigti? hihihi:)
    mukang c enzo naman ang problema nla ron at christian hihihi:)

    ReplyDelete